...sa pinakahuling SWS serbey, nangunguna pa rin si FPJ sa halalan? Oo nga at maliit lamang ang pagitan nila ni GMA, ngunit ito ba ang resulta ng paghihiwalay ng boto? Sa oposisyon, dalawa lamang ang pinaghahatian, FPJ at Lacson. Sa kabila naman, kay GMA, Roco at Bro. Eddie. Oo nga at serbey lamang ito, ngunit kung aalalanin ang nakaraang eleksyon, tama ang resulta ng SWS serbey.
...sa SWS serbey pa rin, 7-5 (FPJ/K4) ang hati sa pagka-senador? Si Revilla (43%) ang nangunguna pa rin, sumusunod sina Enrile (38%), Roxas (37%), Miriam (37%), Pimentel (34%), Osmena (34%), Estrada (31%), Maceda (30%), Lim (29%), Mercado (29%), Biazon (28%) at Barbers (28%). Doon sa mga nakapasok sa K4, ang kalahati doon ay hindi ko yata iboboto sa nalalapit na halalan. Maiba pa sana ito. Ang nasa labas naman sa "Magic twelve" ay sina Lapid (27%), Gordon (26%), Cayetano (25%), Madrigal (25%), Jaworski (24%), Tatad (23%), at Herrera (21%). Tila nagiging dalawa lang talaga ang magkalabang partido dito.
...ang masa ang pinakamalakas pagdating sa pagpili kung sino ang ilalagay sa gobyerno, ngunit ang pinakamahina at pinakakawawa kapag nasa puwesto na ang kanilang inilagay?
...tila wala akong naramdaman sa pelikulang "The Passion of the Christ" kumpara sa naramdaman nina Jen at Migs? Kaya nga, kapag tinanong ako kung ano ang masasabi ko tungkol sa pelikula, ang unang masasabi ko ay magaling ang costume designer/make-up artist nila. Binalikan ko ang naisulat ko sa aking blog tungkol sa pelikula at ang nasabi ko lamang ay, "Very powerful movie, in both graphic, and symbolic terms. You will wince in pain, and will leave the theaters speechless", isang malawak at malabong pananaw lamang. Walang sinabi ito kumpara sa mga nakasulat sa blog nina Jen at Migs. Oo nga at tila naramdaman ko ang sakit ng paghampas sa kanya ng latigong may matutulis na bakal, at pagpako sa kanya sa krus, at may nabubuong isang luha sa kaliwang mata ko, ngunit mas naaalala ko pa iyong bahagi kung saan nahulog ang isang patak ng tubig sa lupa at biglang lumindol ng malakas. Manhid na ba talaga ako o mahina lang talaga ang pelikula sa aspetong ito na tila idinaan lamang sa pagkamarahas upang makapagpalabas ng emosyon sa tao?
Sa sobrang pag-aalala ko, humanap ako sa internet ng mga sinasabi ng ibang ordinaryong Kristyanong tao (hindi kritiko ng pelikula), at mukhang hindi lang ako ang nag-iisa na hindi masyadong tinamaan ng pelikula. Mahina raw ang pelikulang ito kumpara sa the Ten Commandments, Jesus of Nazareth, Jesus Christ Superstar o maging sa The Last Temptation of Christ. Kung hindi Kristyano raw ang manonood, mapapatanong raw sila ng "Bakit nangyari ang lahat?" dahil hindi masyadong naipakita ito sa pelikula. Mahihina rin daw ang ginamit nilang simbolismo sa punto na madaling makalimutan ang mga ito, at puro gamit na ang kanilang mga pag-uusap. Hindi rin daw masyadong napakita ang pagiging tao ni Hesus. Marami rin silang tanong na itinatanong sa buong pelikula, ngunit kailanman raw ay hindi sinagot sa kahit anong pamamaraan, bahagi o aspeto. At sa perspektibong teknikal, puro slow motion lamang ang ginamit sa pelikula. Walang ibang ginamit upang lalong mapalakas ang mensaheng ninanais ipahayag ng pelikula. Mas maganda pa raw ang trailer kaysa sa pelikula.
Subalit, hindi ako umaasa sa kanilang mga pananaw, at manonood muli ako bukas ng The Passion of the Christ, at kung papayagan ng panahon, Huwebes at Biyernes hanggang mahalungkat ang lahat ng maaaring naiwanan ko sa unang panonood. Isasama ko pa iyong The Last Temptation of Christ doon sa aking panonoorin.
Mag-eermentanyo muna ako hanggang Sabado kaya ito muna ang huli nating pagkikita.
No comments:
Post a Comment